Laro tayo ng lokohan
Bilang inaraw-araw mo na rin lang
Ang magpaloko sa ex mong makupal
Siguro naman ngayon,
Alam mo nang laruin ‘to

Pag sinabi kong kasalanan nila—
Ng mga NPA at komunista
At mga adik na kasing-liit ng daga
Maniwala ka

Wag kang magtiwala sa mga balita
Sa ingay ng mga aktibista
Na pilit ginigising
Ang iyong kamalayan
Manalig ka

Manatili kang nanampalataya
Sa sarili mong diyos na mapang-mura
Syang nakapanig na sa masa
At panig pa sa Tsina—
Siya lang ang tama

Silang mga butil ang ipinunla
Na ngayo’y umaani ng bala
Ay hindi marunong sumunod sa batas
At nagtatago lamang sa anino ng dahas

Silang mga isang kahig at isang tuka
Na ngayo’y sa kalsada nakabulagta
Ay hindi na dapat paramihin
Nang matigil na ang mga krimen

Laro tayo ng lokohan
Bilang inaraw-araw mo na rin lang
Ang magpaloko sa ex mong makupal
Siguro naman ngayon,
Alam mo nang laruin ‘to

Babalik-balikan ko
Ang mga linya
At mga pangako
Uulit-ulitin ko
Ang mga bula
Nang magtunog totoo

At kagaya ng laro niyo ng ex mo,
Kung sino man ang maloko dito ay talo.


Happy #NationalPoetryWritingMonth. Don’t be fooled, Pilipinas!